Marahil noong una ay masasabi ko na alam ko na nga talaga kung ano ang kahulugan ng panitikan. Alam ko na kung ano ang saklaw ng panitikan. Sabagay, ang panitikan ay isang sangay lang naman ng pag-aaral. Tinatalakay dito ang mga akda na maaaring nasa anyong tuluyan o patula. Kabilang ang mga maikling kuwento, nobela, tula at mga epiko. Literatura o “literature” nga sa Ingles kung tawagin. Ayun! Ganoon lang kasimple. Kung mababaw nating titignan ang panitikan ay ganoon nga lamang talaga ang magiging pananaw natin. Hindi naman ito mali, subalit hindi ito sapat upang lubos na maunawaan ang panitikan at kung ano pa ang maiaaalok nito.
Napakalaking tulong ng naging pag-aaral at talakayan sa panitikan noong nakaraan upang mas mapalalim ang pagtingin ko sa panitikan. Ayon sa binigay na babasahin, ang panitikan ay tulad ng siyensiya. Ito ay nagbibigay ng panibagong paraan upang magkaroon ng pananaw sa mundo. Itinuturo ito sa pamamagitan ng sining. Nangangahulugan ito na ang appeal ay nasa puso at isip ng mambabasa. Maituturing na makapangyarihan ang panitikan dahil nagagawa nitong i-connect ang iba’t ibang mga tao. Pinapakita nito kung ano ang “common” sa mga tao upang magkaunawaan. Sinasabi rin na “Literature is all about human”. Dito ay makikita mo ang sarili mo at ang sarili mong karanasan. Walang ibang inihahatid ang panitikan bukod sa mga bagong kaisipan at kaalaman. At ang mga kaisipang ito ang nagbibigay ng pananaw sa mundo.
Ang panitikan rin ay “ideological”. Nangangahulugan ito na tulad ng ibang pag-aaral sa ‘Social Sciences’tulad ng Sociology, ibinubunyag rin nito ang ang sistema ng lipunan. Nagtuturo ang panitikan kung paano magiging ‘conscious’ang mga indibidwal sa aktwal na pagtakbo at operasyon ng lipunang kanilang ginagalawan. Tinuturuan nitong mag-usisa at maki-alam ang mga tao. Magkaroon ng mga bagong perspektiba at maging bahagi sa mga malawakang diskurso. Ang pag-alam sa duskurso ay masasabing kapangyarihan. Ang pagkakaroon ng diskurso sa isang larangan ay nagbibigay ng kontrol, kahulugan at kapangyarihan.
Ngunit paano nga ba pinag-aaralan ang panitikan? Mayroong tatlong pangunahing paraan ng pagtingin sa panitikan. Ito ay base sa form, content at originality. Ang form ay ang presentasyon kabilang na ang style, genre at wikang ginamit ng manunulat. Sinasabi na ang wikang ginamit ay dapat bumagay sa style at layunin ng akda. Ang content naman ay ang pag-alam kung ano ang bago at mahalaga sa akda. At huli ang originality, ay tumutukoy sa pagiging orihinal at bago ng isang akda. Matitiyak dapat na ang akda ay orihinal na konsepto at likha ng manunulat.
Hindi matatawaran ang mga impormasyong nakalap ko sa pag-aaral ng panitikan. Naliwanagan ako sa ilang mga punto at konsepto. At ang pinakamahalaga sa lahat, mas lumalim ang pag-unawa at pagtingin ko sa panitikan. Ang panitikan ay hindi lamang mga kapirasong babasahin, ito ay higit pa roon. Higit pa sa libang na naidudulot nito. Ang panitikan ay tulad ng isang ‘binocular’na magagamit upang magkaroon ng mas malinaw na pagtingin, pag-unawa, at paghusga sa lipunan at daigdig. Ito ay isang mahalagang instrumento upang higit na mamulat ang bawat indibidwal sa nakakubling katotohanan sa kanilang kapaligiran.