Repleksyon

Ang pagkakaroon ng asignaturang Panitikang Filipino sa kolehiyo ay sadyang napakahalaga. Sa aking palagay ay hindi sapat ang mga natutunan ko noong elementarya at sekundarya. Isang matibay na patunay rito ang mga kapaki-pakinabang na natutunan ko sa asignaturang ito. Isa sa pinakamahalagang aral na kumintal sa akin ay kung paano nakapagbibigay ang panitikan ng panibagong pananaw sa isang bagay o isyu. Importante na maunawaan natin ang social value o social relevance ng isang akda upang makabuo tayo ng isang makabuluhan at konkretong pananaw hinggil sa isang isyu. Sa huli, ito ay makakatulong sa atin upang magkaroon din ng malinaw at tuwid na perspektiba sa realidad ng buhay.

Ritwal

“Huwag paaalipin sa kahirapan at kamangmangan.” Iyan ang kumintal sa aking isipan matapos kong basahin ang nobelang ito. Napatunayan lamang ng akda kung gaano kahalaga ang magkaroon ng kaalaman upang hindi mabiktima ng pang-aaliping pisikal man o sikolohikal ng iilan. Ang kaalaman ang magsisilbing sandata ng isang tao upang kailanman ay hindi siya maloko ng sinuman.

Ang nobelang ‘Ritwal’ ni Levy Balgos de la Cruz ay isang makapangyarihang nobela para sa akin. Ang kakayahan ng nobelang kausapin ang mambabasa at magpamulat ng kamalayan ay tunay na kahanga hanga. Sa paghusga sa akda base sa porma o anyo, estilo, at presentasyon nito ay talagang mahusay. Ang estilo at wikang ginamit ng awtor ay napaka epektibo. Malinaw niyang naihatid sa mga mambabasa (sa akin) ang mga isinisigaw ng nobela na dapat lamang mapansin. Ang paraan ng pagkukuwento ay epektibo rin. Masasabi kong maganda ang naging paglago ng mga pangyayari mula sa umpisa hanggang dulo. Kung ang nilalaman naman ang pag-uusapan ay wala na akong iba pang masasabi dahil sa pagiging ‘socially relevant nito’. Ang nilalaman ng akda ay tunay na kapaki-pakinabang lalo pa sa lipunang Pilipino.

Isa sa mga linyang tumatak sa akin habang nagbabasa ay “Dahil sa kulang ang pandesal, puwede na rin ang dasak? Kung kulang sa edukasyon, dagdagan na lang ang pananalig?” Sa linyang ito ay mahihinuha ko ang pagkapit ng karamihan sa mga Pilipino sa kanilang pananampalataya kahit sa katotohanan ay wala naman itong nagagawa. Tila sila ay nagpapatangay na lamang sa mga ilusyon upang kahit pansamantala ay makatakas sa mga dagok sa buhay. Naniniwala na lamang ang iilan sa milagro na siya umanong magbibigay ng mabiyayang buhay sa kanila. Para sa akin, isa itong maling gawi nating mga Pilipino. Katumbas nito ang Pagpapasa-Diyos na lamang ng ating mga problema sa halip na gawan natin ito ng solusyon.

Mapangahas na tinakakay ng akda ang mga maling paniniwala at gawi sa usaping relihiyon. Kabilang na nga roon ang pagkabulag ng ilang mga Pilipino sa mga diumano’y utos at himala mula sa Diyos subalit gawa at kontrolado lamang pala ng ilang mga mapanlamang na tao. Nagustuhan ko ang pagsiwalat niya ng ilang katotohanan tungkol sa maling pagsandal natin sa ating pananampalataya.

Isa pa sa mga linyang aking nagustuhan ay “Ang edukasyon ay kailangang ibigay sa lalong nangangailangan. Ang edukasyon tulad ng demokrasaya- ay dapat tamasahin ng nakararaming mamamayan. ” Lubos kong sina sang ayunan ang puntong ito. Ang edukasyon ay tunay nga lamang na dapat ibigay sa nakararami at mga tunay na uhaw rito. Dahil sabi nga na ang kamangmangan ang siyang ugat ng pagkaalipin kaya’t kinakailangan ng edukasyon upang makalaya rito. Dagdag pa rito, ang edukasyon ang magsisilbing armas na kung hindi man makapatay ng kaaway ay magawa namang makapagbigay ng ilaw sa ilan upang lubusan nilang makilala ang kanilang mga kalaban. Kaya’t dapat lamang na magkaroon ng kaalaman upang hindi maging mangmang. Dahil ang kamangmangan ang siyanf magbibilanggo sa ating isipan at siyang wawakas sa ating buhay.

Bukod pa sa usaping relihiyon at edukasyon, ay marami pang mga isyu ang walang takot na natalakay ng akda. Kabilang na rito ang sistema ng relokasyon, mga bulok na sistemang pampamahalaan, at maging ang sistemang pangkalusugan. Isa sa mga problemang hinarap at hinaharap ng Santo Sepulcro sa dulo ng akda ay ang pagkamkam ng gobyerno sa lupaing tintirhan nila. Dito ay masasabi kong makaka-relate ako dahil masasabi kong may pagkakatulad ang aming naranasan doon. Naranasan na rin namin kasing mapaalis sa lupang matagal na naming tinitirhan dahil sa pag-angkin ng ilang makapangyarihan. Ang mga ganitong panghahawak sa leeg ng mga makapangyarihan ay talagang nakakasakal at kung hindi kayanin ay nakamamatay.

Ayon pa sa nobela, “Nagbabagong anyo lamang ang imahe ng pansasamantamala at pang-aapi.” Talaga namang may mga halimbawa ng pananamantala na hindi madaling mapuna gamit lamang ang mga mata. May mga pang-aapi na dahil paulit-ulit ay inaakala nating normal na. Mga panghahamak na hindi natin namamalayang sumisira na sa atin. Subalit kung ang isa ay nagtataglay ng edukasyon at kaalaman, ay madali na lamang niyang mababatid ang pananamantalang ito. Dahil sa oras na matuto tayo ay makakayanan na nating puksain ang kamangmangan. At kasabay ng ating pagkatuto ay ang pagkatuto rin natin sa paglaban. Paglaban sa mga sakit ng lipunan ba siyang sumisira sa kasalukuyan at posibleng pumatay sa ating kinabukasan.

Nanay

Ano nga ba ang pinagdaraanan bago maging isang ganap na ‘Nanay’? Ano ba ang pakiramdam kung ang pangarap ng karamihang mga babae na maging ina ay hindi sang-ayunan ng kapalaran? Iyan ang ilan sa mga tanong na nasagot ko habang binabasa ang akdang ito ni Fanny Garcia. Si Fanny Garcia ay isang guro, manunulat, mananaliksik, editor, at tagapag- salin. isa ring premyadong manunulat sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa mga kategoryang maikling kwento, sanaysay, iskrip, at kuwentong pambata. Isa sa kaniyang mga akda ay ang “Sandaang Damit” na aking nabasa noong nasa ika-pitong baitang pa lamang ako.

Ang akdang ito ni Fanny Garcia ay iba sa mga naunang ipinabasang akda sa amin. Ang pamamaraan ng pagsulat ng manunulat ay naka pangatlong panauhan (third person). Marahil ay ginamit niya ang istilo ng pagsulat na ito upang mas epektibong maihatid ang linya at emosyon ng bawat karakter at maiwasan ang paghahalo nito sa sarili niyang pananaw. Sa usaping anyo ay maganda naman anng akda. Mahusay at mapiling ginamit ng manunulat ang mga salitang nabanggit sa akda, gayunpaman ay may iilang mga salita rin akong hindi lubusang naunawaan. Ang nilalaman naman ng akda ay talagang makabuluhan. Napakaimpormatibo niya sa paraang naisaaad ng akda ang mga tradisyunal na pamamaraan sa usapang pangkalusugan partikular na sa kalusugan ng mga inang nagbubuntis. Kabilang na rito ang pagpapahilot, paggamit ng mga herbal at ilan pang mga paniniwala sa Pilipinas. Gayundin ang ilan sa makabagong pamamaraan sa pangangala sa mga buntis.

Ang pagkakaroon ng mga tradisyunal na paniniwala at pamamaraan sa anumang mga larangan ay likas na sa ating mga Pilipino. Napakayaman natin dito. At isa rito ang usaping pangkalusugan. Marami pa ring mga paniniwala tungkol sa pagbubuntis at iba pa ang nananatiling buhay sa kasalukuyan. Nariyan ang pag-aalaga sa buntis sa pamamagitan ng hilot. Ito ay makikita pa rin natin sa kasalukuyan lalo na sa mga probinsyang lugar. Nariyan din ang paggamit ng mga halamang gamot upang mapangalagaang mabuti ang sanggol sa sinapupunan ng ina. Sa aming lugar, (isang Baranggay sa munisipalidad ng Rodriguez, Rizal) ay buhay na buhay pa rin ang ganitong kaugalian. Dahil kalayuan sa mga hospital at kakulangan sa pinansyal ay inaalagaan na lamang ng nga hilot ang buntis at maging sa panganganak nito. Wala namang masama sa paggamit ng mga ito, ngunit hindi ito angkop sa lahat ng kaao. May mga pagbubuntis na kinakailangan ng matindi at maingat na pag-aalaga kabilang na ang mga wastong pasilidad.

Sa unti-unting pagkaladlad ng istorya at pagtatapos ko sa pagbabasa, ay naparamdam ng akda sa akin ang nais nitong iparamdam. Nakakalungkot ang dulong bahagi ng kwento. Hindi man ako isang babae na naghahangad na magkaanak ay nakaramdam ako ng kalungkutan dahil sa nangyari jay Eloisa. Ang pagkalaglag ng sanggol ay talagang nakaapekto sa akin bilang mambabasa. Batid kong napakahirap ng pinagdaraanan niya. May isa pang bahagi sa dulo ng kwento na binato ni Eloisa ang bunga ng santol, subalit walang nahulog dito at napaiyak siya. Marahil ang nasa isip niya noon ay ang sana na “Sana ang kanyang baby ay tulad ng sanggol, malakas ang kapit. ” Ang pamagat din ng akda ay nakapukaw ng aking atensyon. Mapapatanong ka kung bakit “Nanay” ang pamagat nito, gayong ang nilalaman ng kuwento ay hindi siya naging ina.

Pabaon

Aking mga natutunan sa naging talakayan

Isang makabuluhang talakayan na naman ang naganap. Nagkaroon ng panibagong pagbabahagi ng mga kuro-kuro at talino. Sa diskusyong ito ay natalakay ang mga napansing magagandang punto sa binasang akda na “Kubeta” ni Nancy Kimuelle Gabriel. Inisa-isa ang mga kahanga-hangang pamamaraan at estratehiya niya sa pagsulat.

Una rito ay ang kakayahan niyang gumamit ng humor sa isang seryosong paksa. Nagawa niyang gawing medyo katawa tawa at katanggap tanggap ang mga bagay na nakakadiri kung iisipin at pag-uusapan. Ang kaniyang pamamaraan ay napaka-epektibo dahil nagagawa nitong aliwin ang ilan sa mga mambabasa sa umpisa hanggang sa paunti unti na nilang matumbok ang pinakapaksain ng akda. Ang sumunod ay ang pagiging buhay ng lengguwaheng ginamit ng manunulat. Ang ginamit niyang wika at mga salita ay madaling maunawaan ng mga mambabasa. Mayroong iilang terminolohiyang ginamit na hindi masyadong pamilyar dahil sa ito ay mga dating katawagan pa. Mahusay rin ang pagsasalaysay ng akda dahil tila kinakausap lamang nito ang mga mambabasa. Isa pa ay ang husay ng akda na maglahad ng sociological substance o importansya ng akda sa lipunan. Kapaki kapakinabang ang akda dahil sinasalamin nito ang ilang isyung nagaganap sa kasalakuyang panahon.

Mapapansin din sa akda ang malikhaing pamamaraan ng may-akda na ipakita sa mga mambabasa ang isang bagay na dati na nilang alam sa panibagong pamamaraan. Maituturing din na informative ang sanaysay ni Nancy Kimuelle Gabriel dahil nagbibigay ito ng impormasyon hindi lamang patungkol sa sistema ng palikuran sa Pilipinas kundi maging sa kasaysayan. At ang paggamit niya ng kasaysayan ay naging malaking tulong upang makapag-contextualize ang mga mambabasa.

Kubeta

Ang sanaysay na “Kubeta” ni Nancy Kimuelle Gabriel ay isang napakamakabuluhang akda. Ang akda ay nakakapagpamulat ng mata at isipan ng mga mambabasa nito. Ang content nito ay talagang nagpapakita ng kalagayan ng mga Pilipino sa Pilipinas partikular sa mga taong nasa marginalized areas. Sila ang mga Pilipinong maituturing na talagang hikahos sa buhay. Hindi nabibigyan ng pansin ang isyung pampalikuran na araw araw nilang hinaharap. Wala silang natatamasang maayos na sistema at pasilidad ng palikuran. Kaya’t hindi nakapagtataka na hindi wasto ang kanilang kaugalian sa larangan ng pangungubeta.

Ang pagsulat ni Nancy Kimuelle Gabriel ay tunay na kahanga-hanga. Nagawa niyang gumamit ng humor o katatawanan habang tinatalakay ang isang seryoso at sensitibong usapin. Mababasa sa akda ang paglarawan niya sa mga uri ng tae na talaga namang tatawanan o kaya’y pandirihan mo dahil sa pagiging detalyado nito. Nariyan din ang paghahalimbawa niya ng ilang senaryo na tiyak na bubuo ng imahe sa iyong isip. Ang kaniyang wikang ginamit ay tunay na buhay. Makikita mo rin ang smooth na pagdaloy ng paksa mula sa katatawanan hanggang unti unting mapunta sa seryosong usapan patungkol sa palikuran. Ang kaniyang pagsulat ay napakahusay rin pagdating sa pagpapakita ng sociological substance. Madarama  habang binabasa ang akda ang kahalagahan nito sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Isa pang nakatutuwa at kahanga-hangang napansin ko sa akda ay ang paggamit ng manunulat ng kaniyang mga personal na karanasan sa pagpapaliwanag. Naiuugnay niya ang kaniyang mga karanasan sa kalagayan ng lipunan.

Sa kabuuan, masasabi kong napakamakapangyarihan at mahalaga ng akda. Makapangyarihan ito sa paraang nakapagbubukas ito ng mga mata at isipan patungkol sa isyung kinahaharap ng Pilipinas pagdating sa sistema ng palikuran. Mahalaga ito dahil ang content nito ay sinasalamin ang tunay na kalagayan ng mga Pilipinong walang maayos na palikuran. Ayon nga sa akda, ang larawan ng kubeta ng isang tao ay ang kalagayan niya sa buhay.

Pabaon

Ang aking mga natutunan sa naging talakayan

Isang intensib na talakayan na naman ang naganap. Maraming bagay muli ang aking natutunan. Mga kaalamang magagamit ko sa higit na pagpapalalalim ng aking pagkaunawa sa panitikan. Habang nagpapatuloy ang diskusyon ay naitanong sa amin kung ano ang aming argumento sa patungkol sa “Kung ano nga ba ang basurang panitikan? ” at kung mayroon bang ganito. Nagkaroon nang palitan ng kuro kuro at ideya patungkol sa argumentong ito. Subalit para sa akin, mahuhusgahan ko lamang ang isang akda base sa halaga nito. At ang halaga ng isang akda ay masusukat sa kung gaano karami ang mga bagay at aral na mapupulot ng mga magbabasa nito. Kung tunay nga ba itong kapaki-pakinabang. Naniniwala ako na ang panitikan na kayang maghandog ng kapakinabangan sa mga mambabasa ay hindi matatawag na basura.

Napag-usapan din sa talakayan ang “Transgresibong Akda”. Ayon kay Jun Cruz Reyes, ang kahulugan nito ay ang pagsusulat na lumilihis sa pamantayan. Gumagawa ng sariling landas ang may-akda. Sila ay mga manunulat na hindi tradisyunal o conventional. Nagagawa rin nilang makapagparinig ng mga bagong tinig at boses sa kanilang mga mambabasa. Nabanggit din na mahusay na paraan nang pagsulat ay conversational. Ang ibig sabihin ay masasabing epektib ang pagsulat kung parang hindi ka lamang nagbabasa. Bagkus parang kinakausap at ipinaparanas sa iyo ng manunulat ang kaniyang akda.

Dagdag pa sa aking mga natutunan ay “Kung hindi makasulat nang matino bunga ng imahinasyon, baka ang isang tao ay salat sa pag-iisip at maging sa pagsasaliksik.” Pinapakahulugan lamang nito na kinakailangan ng karanasan, pag-aaral at obserbasyan na susuporta sa pagsusulat. Nahagip din ng naging diskusyon ang ilang problema ng mga dating manunulat. Isa rito ay ang pagiging Patriarchal ng panitikan noon. Iilan lamang ang mga babaeng manunulat. Ngunit sa kasalukuyan ay mababakas naman na mayroon na ring mga kababaihang gumawa ng kanilang pangalan sa larangan ng Panitikan. Ikalawang suliraning nabanggit ay baduy ang pananaw sa panitikan noon lalo na kung ang gamit nitong wika ay Filipino. Naging malaking suliranin ito dahil sa pananaw ng mga Pilipino na walang silbi at baduy ang mga akdang naisulat sa Filipino at gawa ng mga Pilpino. Gayunpaman, ang mga problemang ito ay paunti unti nang nasusulosyunan sa kasalukuyan. Makikita ngayon, hindi man ganoon kamakapangyarihan, ngunit mayroon ng mga Pilipinong sumusuporta sa Panitikang Pilipino. At sana sa pagdating ng mga susunod pang mga panahon, ay tuluyan ng lumago ang pag-unawa at pagmamahal ng mga Pilipino sa Panitikan.

Dangal

Norman Wilwayco

Unang linya pa lamang ng akda ay nakakabingwit na ng atensyon ng mga mambabasa. Ang linyang “Mayroon  akong alam na paraan kung paano wasakin ang dangal ng isang tao, ang kanyang respeto sa sarili” ay maeengganyo ka na talagang basahin ang nilalaman ng akda. Napakahusay nang pagsisimula niya sa ganitong pamamaraan dahil dito pa lamang ay napukaw niya na ang atensyon ng mga mambabasa.

Gaano nga ba kahalaga ang dangal ng isang tao? Hanggang saan nga ba ang makakaya mo upang protektahan ang iyong dangal? Iyan ang mga tanong na nasagot ni Norman Wilwayco sa kaniyang akdang “Dangal”. Lahat ng tao ay mayroong iniingatang dangal. Ang ilan ay gagawin ang lahat huwag lamang masira ang kanilang dangal. Sa akdang ito ay nabanggit ang pinakamabisang paraan sa pagsira ng dangal ng sinuman. Ang istorya ay umiikot sa buhay ng nagkukuwento, ni Kris, ni Marissa at ng ilan pang mga tauhan. Dito ay mababasa ang pagbabago ng buhay ni Kris na noo’y hikahos sa buhay tulad ng manunulat. Siya ay nakatanggap ng manang salapi mula sa kaniyang tiyahin sa ibang bansa. Hatid ng pera at kasabay ng kaniyang pagyaman ay ang pagkamit niya ng lahat ng kaniyang naiisin. Nabibili nya na lahat ng bagay na gustuhin niya. Maging simpatya ng tao at mismong tao ay kaya niya ng bilhin. Mula sa pagiging isang average student noon na hindi magawang makapagsabayan sa kaniyang mga ka-eskwela ay biglang nagbago ang kaniyang buhay. At dahil sa kaniyang yaman ay sinubukan niyang bilhin ang puri ng babaeng dati niyang niligawan,s si Marissa.  Pinakalat niya ang balita tungkol rito na naging tampok na usapan sa buong unibersidad. Nagsimula na siyang mag-alok ng malaking halaga na palaki nang palaki habang hindi pa rin pumapayag si Marissa. Umabot ang pakikipagnegosasyon niya kay Marissa ng 1.1 Million na siya namang nagpasuko sa dalaga. Ito ang sumira sa dangal ng dalagang iniibig pala niyang tunay at maging ng sarili niyang dangal.

Sa aking sariling pag-unawa at pag-intindi sa akda, minamahal nang lubusan ni Chris si Marissa. Sinusubukan niya lamang kung hanggang saan aabot ang pagpapahalaga ng dalaga sa kaniyang dangal. Marahil sa umpisa ay tiwala siyang hindi maipagbibili ni Marissa ang kaniyang dangal hindi tulad ng ibang mga babae. Bilib siyang hindi ganoon si Marissa. Na mayroong mataas na pagpapahalaga at respeto sa sarili si Marissa. Subalit nabigo siya, sa huli ay nasilaw pa rin si Marissa sa malaking halaga ng pera na siya ring unti-unting sumira sa kaniyang dangal. Nasira ang dangal niya sa pagtitiwalang hindi magagawa ng minamahal niya na ipagbili ang sarili nitong puri. Pinatutunayan lamang nito na wala ng iba pang nagpapaikot sa mundo kundi pera. Marami ang kayang ipagpalit ang kanilang dangal para sa pera. Nabubulag sila sa halaga ng pera kaya’t nalilimutan nila ang tunay na halaga ng kanilang sariling pagkatao. Isa ito sa mga nagustuhan ko sa akda.

Nagustuhan ko rin ang pagiging makatotohanan o ‘relevant’ ng akda sa kasalukuyang panahon. May ilang mga isyung panlipunan ang nabanggit sa akda. Isa na rito ay ang walang kamatayang kontraktwalisasyon na siyang nagpapahirap sa maraming mga Pilipino. Hindi sila nabibigyan ng pagkakataong maging regular at kumita rin ng regular. Nakakalungkot mang isipin ngunit hanggang ngayon ay nabubuhay pa rin ang sakit ng lipunang ito. Isa pa sa mga isyu na palihim na natalakay ay ang bulok na sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Mahihinuha sa akda ang pagiging walang kwenta ng sistema ng edukasyon sa ating bansa. May isang eksenq sa akda kung saan ay nagawang bayaran ni Chris ang kanilang paaralan kapalit ng pagkonsinte sa katarantaduhang kaniyang ginagaw. Makikita rito na kayang bilhin ng mga may salapi ang edukasyon. Ito rin ay isa sa walang kamatayang sakit ng lipunan.

Kung uusisain naman ito sa pamamagitan ng pagtingin sa anyo, ang akda ay masasabing mahusay. Ang paraan ng paglalahad ay malinaw. Ang estilo ng pagsulat ng may akda ay kahanga hanga rin. Ang ilan sa mga salita ay matuturing na ‘balbal’na siyang angkop para sa mga nais niyang mambabasa. Kung titignan naman ang nilalaman nito ay mababanaag na may kahalagan ang nais iparaiting ng may-akda. Subalit kung susuriin ito sa punto de bista ng mga feminist, ay masasabing mababa ang pagtingin sa babae sa akda dahil nabili ang dangal ni Marissa. Sa orihinalidad naman ay masasabing hindi na rin masyadong bago ang kuwento. May mga ilang akda at palabas na sa telebisyon at pelikula ang maihahalintulad sa mga bahagi ng akda. Tulad ng biglang pagyaman ng isang karakter at pagbili ng puri ng isang tao. Subalit ang wakas ng akda ang masasabing orihinal dahil sino nga ba naman ang sisirain ang dangal ng taong mahal niya gamit ang pera kung sa huli ay may posibilidad na masira ang dangal nilang dalawa.

Sa aking palagay ay mahalaga ang akda. Masasalamin dito ang ilan sa kalagayang panlipunan ng ating bansa at maging ang ilang realidad ng buhay. Kaya’t marahil ay mapapahalagahan ang akda sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mensahe at aral na makukuha rito. Ang halaga ng akda ay masusukat sa kung gaano kalaki ang aral na maiaalok nito, at mapapahalagahan ang akda sa pamamagitan ng paggamit ng mga aral na ito sa sariling buhay. Kung magawa ito nang matagumpay, ay tsaka pa lamang masasabing tunay na mahalaga ang akda dahil hindi lamang ito nakapagmulat ng mata bagkus nakapagpabago rin ng buhay.

Pabaon

Aking mga natutunan sa talakayan

Matapos basahin at suriin ang maikling kuwento ni Eli Guieb na “Kasal”, ay higit pa siyang ipinakilala sa amin. Si Dr. Eli Guieb ay isang professor ng Mass Communication sa University of the Philippines na may degree sa Creative Writing at Film Making. Isa siya sa mga batang manunulat na nagkamit ng Palanca Awards sa Pilipinas. Napag-usapan din ang reaksyon, komento, kritisismo ng ilan patungkol sa nabasang akdang pampanatikan.

Sa pagpapatuloy ng talakayan, ay maraming kaisipan na naman ang nadagdag sa bangko ng aking kaalaman. Natalakay ang pagkakaiba ng Kuwento at Maikling Kuwento. Ang kuwento ay napakadali lang gawin. Simple. Ito ay kayang gawin ng sinuman. Ang simpleng pakikipag-usap sa isang kaibigan o katabi sa klase ay maituturing nang kuwento. Sa kabilang banda, ang maikling kuwento ay hindi kayang gawin ng lahat. Taliwas ito sa konsepto ng simpleng kuwento sapagkat ang maikling kuwento ay isang anyo ng sining. Ito ay ang mga tinatawag na fiction o likha ng masining na pag-iisip. Mayroon itong structure na sinusunod (simula, gitna, at wakas). Ang maikiling kuwento ay dapat na mayroong conflict o problema na kinakailangang lutasin ng mga tauhan. Dagdag pa, kung walang conflict ay walang magaganap na drama at kung walang drama ay walang mabubuong istorya o kuwento.

Ang Essay naman sa kabilang banda ay may pagkakatulad din sa Maikling Kuwento. Ito rin ay may sinusunod na istruktura gaya ng sa maikling kuwento. Subalit sa essay ay walang conflict na kailangang resolbahin ng mga tauhan. Dito ay hindi karakter ang problema kundi mga isyung panlipunan. Ito ang mga katangian ng isang Creative non-fiction. Ito ay ‘creative’ dahil gumagawa ito ng paraan upang ipakilala at ipakita ang isang bagay sa bago at masining na paraan.

Kasal

Ang maikling kwentong ito ni Dr. Eli Guieb ay tunay na kahanga-hanga. Napakahusay ng kanyang pagsasalaysay at maging sa pagpili ng mga salita. Mahusay niyang nailahad ang kaniyang konsepto at pananaw patungkol sa relasyon, at mabisa niya ring naipakita ang progreso ng mga pangyayari sa loob ng kuwento. Ang kaniyang pamamaraan ng pagsasalaysay ay malinaw kaya’t madaling maunawaan ng mga mambabasa ang mensaheng nais ihatid. Nakakabuo rin ang mga mambabasa ng mga larawan sa kanilang isipan na nakakatulong upang higit na maintindihan ang akda.

Nais ko na suriin ang maikling kuwento na ito sa pamamagitan ng dalawang pamamaraan; literal at malalim na pagsusuri.

LITERAL

Isinalaysay ng manunulat ang kuwento sa estilong kronolohikal na may kaunting pagbabalik tanaw. Ang kaniyang punto de bista ay unang panauhan. Ang mga pangyayari sa kuwento ay umiikot lamang sa buhay ng dalawang tauhan; si Joanne at ang nagsasalita. Silang dalawa ay magkasintahan na napagpasiyahang maghiwalay ng landas. Nabanggit din ang ilang karakter tulad ni Michael, dating kasintahan ni Joanne na na iniibig pa rin siya. Si Lizete na dating live in partner ng nagsasalita. At si Toni, ang anak nilang dalawa na namatay dahil sa hydrocephalus. Napagpasiyahan nilang dalawa na umakyat sa Mt. Pulag sa huling araw nila bilang mag-asawa. Muli nilang binalikan ang kanilang mga alaala sa kanilang pagsasama at kung paano sila nagsimula. Habang nasa tuktok sila ng bundok ay napag-usapan nila ang tungkol sa kanilang paghihiwalay. Nabalot nang katanungan ang nagsasalita tulad ng kung ano nga ba ang kinabukasang naghihintay sa kaniya pagbaba. Nagwakas ang kuwento na payapa ang loob ng dalawa sa kanilang paghihiwalay.

MALALIM

Lubos akong napahanga ng akdang ito. Napakahusay ng lahat ng pamamaraang ginamit upang malinaw na maihatid sa mga mambabasa ang larawan ng isang relasyong humahantong na sa  kamatayan o katapusan. Napakalinaw rin ng mga larawang nabubuo sa isip ng mga mambabasa dahil sa mga salitang ginamit. Masasabi kong napakabisa ng estilo ng pag-atake ng manunulat dahil sa emosyon at damdaming ipinadama nito sa akin. Marahil ay nais ng akda na makaramdam ang mambabasa ng sakit at lungkot dahil sa katotohanang kinakailangang maghiwalay ng dalawang pangunahing tauhan. Subalit sa kabilang banda, ang katotohanang iyon ay may kalakip na aral na hindi lahat ng relasyon ay kinakailangang magtapos nang may galit, luha at hinanakit. Hindi kinakailangang maghanap ng kasalanan sa paghihiwalay. Maaari namang magpaalam ng walang daliring magututuro kung sino ang may mali. Sa huli ay kinakailangan na lamang nating tanggapin ang realidad. Ang katotohanan. Napakahusay ng manunulat sa kanyang paraan na sinimulan niya ang kuwento sa paglalarawan sa mga pangunahing tauhan na naghihintay sa pagsikat ng araw sa tuktok ng bundok, at tinapos niya ito sa sabay nilang pagbaba ng bundok. Dagdag pa niya na maaaring sa pagbaba ng bundok ay hindi magiging tiyak ang kinabukasan. Subalit kinakailangang magpatuloy at hintayin ang kung ano pa ang maiaalok ng pagkakataon.

Bilang pagbubuo, labis na kahanga-hanga ang akda. Ang presentasyon, style at maging ang language na ginamit ay pili at planado. Nakapagbigay rin ito ng kakaibang content. Nagbigay ito ng panibagong pananaw ukol sa paghihiwalay at pag-ibig. Ang akdang ito ay maituturing ko na isa sa aking mga paborito.

Panitikan

Marahil noong una ay masasabi ko na alam ko na nga talaga kung ano ang kahulugan ng panitikan. Alam ko na kung ano ang saklaw ng panitikan. Sabagay, ang panitikan ay isang sangay lang naman ng pag-aaral. Tinatalakay dito ang mga akda na maaaring nasa anyong tuluyan o patula. Kabilang ang mga maikling kuwento, nobela, tula at mga epiko. Literatura o “literature” nga sa Ingles kung tawagin. Ayun! Ganoon lang kasimple. Kung mababaw nating titignan ang panitikan ay ganoon nga lamang talaga ang magiging pananaw natin. Hindi naman ito mali, subalit hindi ito sapat upang lubos na maunawaan ang panitikan at kung ano pa ang maiaaalok nito.

Napakalaking tulong ng naging pag-aaral at talakayan sa panitikan noong nakaraan upang mas mapalalim ang pagtingin ko sa panitikan. Ayon sa binigay na babasahin, ang panitikan ay tulad ng siyensiya. Ito ay nagbibigay ng  panibagong paraan upang magkaroon ng pananaw sa mundo. Itinuturo ito sa pamamagitan ng sining. Nangangahulugan ito na ang appeal ay nasa puso at isip ng mambabasa. Maituturing na makapangyarihan ang panitikan dahil nagagawa nitong i-connect ang iba’t ibang mga tao. Pinapakita nito kung ano ang “common” sa mga tao upang magkaunawaan. Sinasabi rin na “Literature is all about human”. Dito ay makikita mo ang sarili mo at ang sarili mong karanasan. Walang ibang inihahatid ang panitikan bukod sa mga bagong kaisipan at kaalaman. At ang mga kaisipang ito ang nagbibigay ng pananaw sa mundo.

Ang panitikan rin ay “ideological”. Nangangahulugan ito na tulad ng ibang pag-aaral sa ‘Social Sciences’tulad ng Sociology, ibinubunyag rin nito ang ang sistema ng lipunan. Nagtuturo ang panitikan kung paano magiging ‘conscious’ang mga indibidwal sa aktwal na pagtakbo at operasyon ng lipunang kanilang ginagalawan. Tinuturuan nitong mag-usisa at maki-alam ang mga tao. Magkaroon ng mga bagong perspektiba at maging bahagi sa mga malawakang diskurso. Ang pag-alam sa duskurso ay masasabing kapangyarihan. Ang pagkakaroon ng diskurso sa isang larangan ay nagbibigay ng kontrol, kahulugan at kapangyarihan.

Ngunit paano nga ba pinag-aaralan ang panitikan? Mayroong tatlong pangunahing paraan ng pagtingin sa panitikan. Ito ay base sa form, content at originality. Ang form ay ang presentasyon kabilang na ang style, genre at wikang ginamit ng manunulat. Sinasabi na ang wikang ginamit ay dapat bumagay sa style at layunin ng akda. Ang content naman ay ang pag-alam kung ano ang bago at mahalaga sa akda. At huli ang originality, ay tumutukoy sa pagiging orihinal at bago ng isang akda. Matitiyak dapat na ang akda ay orihinal na konsepto at likha ng manunulat.

Hindi matatawaran ang mga impormasyong nakalap ko sa pag-aaral ng panitikan. Naliwanagan ako sa ilang mga punto at konsepto. At ang pinakamahalaga sa lahat, mas lumalim ang pag-unawa at pagtingin ko sa panitikan. Ang panitikan ay hindi lamang mga kapirasong babasahin, ito ay higit pa roon. Higit pa sa libang na naidudulot nito. Ang panitikan ay tulad ng isang ‘binocular’na magagamit upang magkaroon ng mas malinaw na pagtingin, pag-unawa, at paghusga sa lipunan at daigdig. Ito ay isang mahalagang instrumento upang higit na mamulat ang bawat indibidwal sa nakakubling katotohanan sa kanilang kapaligiran.

Design a site like this with WordPress.com
Get started